Thursday, October 8, 2009

Joyce


May nauna na sa front seat. Nanghihinayang kong nakita pagkababa ko sa tricycle. Nakapwesto na ang driver sa kanyang upuan, senyales na malapit nang lumarga ang bus.


“’Nang, meron na dito?” tanong ko sa aleng nakaupo sa likod ng front seat.


“Owa ‘to” sabi nya, sabay urong malapit sa bintana. “Sa Balete man lang ako.”


Sa totoo lang, mas gusto ko sana sa front seat na okupado ngayon ng isang ina at tatlo nyang maliliit na anak. Kapag hindi ko nakikita ang kalsadang dinaraanan ng sasakyan, mas madali akong mahilo sa biyahe. Pero ok na rin ako sa kinauupuan ko. Kita naman ang kalsada, at tutal, isang oras lang ang Altavas. Pagsapit ng alas-nuebe, umalis na ang Ceres Liner sa terminal.












Ikinabit ko ang aking earphones at pinatugtog ang Up Dharma Down.


Gaano na nga ba katagal mula ng huli akong dumalaw kina Anti Nita sa Altavas? Lima? Anim na buwan? Sobra pa yata. Kung di pa bumigay si Uncle Akling sa kanser sa atay nung isang lingo di pa ako uli makakabalik sa kanila. Nauna na kahapon pa sila Ma, Pa, Mac at Pet, kaya mag-isa ako ngayon. Mamayang hapon pa naman ang libing, pero mas maganda na rin daw na maaga akong dumating upang makisalamuha sa mga kamag-anak naming agad-agad ko namang nakakalimutan ang mga pangalan.


Sa may bandang Libas, sa bayan ng Banga, biglang umarangkada ang bus upang mag-overtake sa isang pampasaherong dyip na hanggang bubong ang sakay.



Sabay naman ang pagsulpot ng isang matuling motorsiklo na mula sa feeder road sa kaliwa.



Nanlaki ang mga mata ng lalaking driver nang makita ang paparating na dambuhalang sasakyan. Hindi nya inaasahan ang panganib na magmumula sa kanyang kanan. Gulat na gulat naman ang angkas nyang babae.


Sinubukang kabigin ng driver ang Ceres habang nakaapak sa preno ngunit sadyang napakalaki ng bus at di maiiwasan ang nakaambang aksidente.


Isang matining na sigaw mula sa nanay na nakaupo sa front seat.


Hindi ko malilimutan sa tanang buhay ko ang sensasyon nang gulungan ng bus ang alam kong malambot na katawan ng tao.



Bumaba ako ng bus at dumagdag sa lumalaking bilang ng mga taong nag-usyuso. Nasulyapan ko ang dugong kumulay ng pula sa sementadong kalsada.



“Chie!”


Napalingon ako upang hanapin ang pinanggalingan ng pagtawag at nakita ko ang isang babaeng medyo kilala ko. Medyo, dahil hindi ko matandaan ang kanyang pangalan. Naging classmates kami sa ilang mga subjects nung college. Maganda sya at maputi. Mababa lang sya, cute. Ang alam ko malapit lang dito ang bahay nila.


“Uy, kaw pala” nasabi ko na lang habang tinatanong ang sarili ng, ‘No na nga ba pangalan ng babaeng ‘to?


Isa talaga ‘to sa mga weakness ko. Mahina ang memory ko sa mga tao, na di katulad pagdating sa mga lugar na kung saan halos meron akong photographic memory.


“Sakay ka ng Ceres?” tanong nya.


“Oo,” sagot ko habang binaling muli ang atensyon sa mga nadisgrasya. Tumiin upang makakita sa ibabaw ng mga ulo ng mga kapwa miron.


“Sueang kamo it ambulansya. Dali!” sigaw ng isa sa mga taong unang nakalapit sa tabi ng isang nakabulagtang katawan.


Nakita ko ang lalaking nagmaneho ng motorsiklo. Nakakatayo ito at mukhang maayos naman ang kanyang lagay maliban sa mga gasgas sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Tulala sya at parang di pa rin lubos na maintindihan ang mga nangyari. Palagay ko ay tumilapon sya sa nangyaring banggaan. Samantalang, ibang kapalaran naman ang sinapit ng kasama niyang babae. Pumailalim sya sa bus kanina.


“Nakita mo ba yung nangyari?” tanong ko sa dati kong classmate habang nakikipag-gitgitan sa kumakapal na usisero.


“Hindi eh. Nagmamadali kasi kami ni Manong. Pupunta kaming Kalibo, naospital kasi yung bunso naming kapatid.”


Wala akong interes sa morbid na mga bagay. Natural na curiosity lang naman ang nagtulak sa akin. Ni hindi ko rin nga naisip na kumuha ng picture o video gamit ang cellphone katulad ng ginagawa ng ilang taong nandun. Pero nang makalapit na ako at makita ang kalumos-lumos na sinapit ng babae, sana di na lang ako nagpumilit at nakipagsiksikan. Mas mabuti nga at nakabaling ang ulo nya sa kabila at hindi ko nakita ang kanyang mukha. Kung nakita ko ay malamang na sumagi pa ito sa mga panaginip ko. Sigurado akong patay na sya. Walang sinuman ang mabubuhay sa ganoong klaseng kalagayan.


“Ginoo ko! Ginoo ko!” iyak ng isang matandang babae na kararating lang. Nagbigay-daan ang ilang tao upang sya ay makadaan. “Siin eon du ambulansya? Ginoo ko! Hindi guid, hindi guid! Maeuoy ka!”



“Manong! Ano ro natabo?”


Nabigla ako sa pagsigaw sa aking tabi.


“’Nong!” tawag nya ulit sa lalaking nadisgrasya. Mukhang di sya naririnig nito dahil tulala pa rin, kahit nangingilid ang luha sa mga mata.


Nagsimula syang lumapit sa kanyang Kuya ngunit bigla syang napahinto.


“Ma?”


Halos himatayin na sa kakaiyak ang matandang babae. Lumuhod sya sa tabi ng walang-buhay na anak. Hindi nya ito mahawakan na para bang takot na matabing ang mga sugat at lalo pang masaktan ang anak.


“Ma!” tawag nyang muli.


Bigla syang natigilan. Matagal na pinagmasdan ang duguang babae.


Nawalan ng kulay ang kanyang magandang mukha.



Tumingin sya sa akin, nanginginig ang mga labi, at nagsabing, “Ako sya.”



“Ha?”


Sa mga sandaling yon, dun ko napansin ang pagkakahawig nila ng nakahandusay na babae sa kalsada – sa katawan, at pati na rin sa kasuutan. Pareho silang naka-maong na pantalon at dilaw na t-shirt. Nagkulay-maroon na nga lang ang malaking bahagi ng damit ng isang babae dahil sa dugo.



“Ako sya!”



Kinilabutan ako sa mga salitang yon.


“Ako sya!” ulit nya. “Ma, dito ako. Hindi ako yan Ma!”


Ngunit para bang walang ibang nakarinig.


“Hindi ako yan!”


Nagmamadali syang umalis.



“Hindi ako patay!”



Hindi sya napansin nang dumaan sya palabas ng grupo ng mga nagsisiksikang usisero. Animo’y usok ang kanyang katawan, samantalang ako ay muling nakipag-gitgitan.


Lumingon sya bigla at ako’y tinitigan, “Hindi ako yun,” pagmamakaawa nya sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam ang sasabihin.


Sa huling pagkakataon, tumingin sya sa kumpon ng mga taong nakapaligid sa kanyang ina, kuya, at sa kanyang bangkay. Kasing kulay ng dugo sa semento ang kanyang luha. May dugo ring dumaloy sa gilid ng kanyang mga labi. Di nya ito alintana. Tumakbo sya papalayo, marahil upang takasan ang katotohanan.


Ilang sandali pa ay naglaho sya sa hangin. Ang babaeng ako lang ang nakakita.



“Joyce, anak ko! Huhuhu!” panaghoy ng isang ina.



Naalala ko na ang pangalan nya.





8 comments:

DRAKE said...

Bro, mahilig ka palang magsulat ng maikling kwento.

Okay naman yung kwento mo bro kaso medyo nahilo lang ako ng konti.

Yung pagkakasunod sunod siguro ng mga pangyayari ang medyo nagpahilo sa akin ng konti. Pero okay ang kwento mo!May potential!heheh

Ingat

ch!e said...

@drake
di ka kc sa front seat haha...
o nga, parang nakakahilo dn nga yata. hehe...yup, im trying my hand sa short stories..maraming salamat sa komento para ill do better nxt time :)

gillboard said...

naks may pagka ghost whisperer... astig...

mr.nightcrawler said...

parekoy... buti naman produkto lang ito ng imahinsayon mo kundi ay sobra na akong kinilabutan! haha

ch!e said...

@gillboard
bords, tenks sa pagbisita :)

@mr.nightcrawler
produkto lang ng walang magawang imahinasyon. haha

Anonymous said...

kala ko totoo, buti binasa ko mga comments dito. ang ganda ng kwento, medyo nadala ako ng kwento. hays.. buhay na buhay ung usapan.. kumakabog pa dibdib ko gang ngayun..

bok =] said...

..hahaha bok..kala ku tru to layp un! adik din...astig..gawan mu din ku ng stowi.ahahaha... =]

ch!e said...

@bonistation
waaah...thanks!
kaka-inspire ng comment mo :)

@bok
gawan kita bok ng stowi...ang title "Ang Bukbok"
...bow!
ahaha :D