Sunday, February 28, 2010
A Bear's Love Story
May nakakuha na kay Noynoy. Pilit kong hinuli ang kanyang mga mata upang sa gayo’y kahit papano ay maipabatid ko ang aking pamamaalam, ngunit di na nya ako napansin sa sobra nyang pagkagiliw na makalabas. Isa sya sa mga nagsasawa na sa aming kinalalagyan at gustong-gusto nang makita ang kalawakan ng mundo sa labas. Sana ay alagaan sya nang mabuti ng magmamay-ari sa kanya. Kunsabagay, di naman sya mahirap magustuhan. Si Noynoy ay isang cute na Doraemon.
Ako naman ay bear. Hindi, hindi bear ang pangalan ko. Teddy bear ako at ang pangalan ko ay si Chi-chi. Kahit ako man ay gusto ring makaalis sa lugar na ‘to. May ilan sa mga kasama ko ditong laruan na ayaw. Di ko sila maintindihan. Marahil ay natatakot silang tuklasin ang malawak na mundo sa labas. O di kaya’y naging kuntento na sila sa kanilang mga kalagayan.
Nakaramdam ako ng konting inggit habang pinagmamasdan kong hawak-hawak si Noynoy ng nakakuha sa kanya. Gusto kong sumigaw ng, “Ako rin! Kunin nyo ko!” Pero naglaho ang pangarap na yon nang marinig kong sinabi, “Wala na kong pera Kuya Pet”, at “Tara na, Jo!” Para akong maiiyak, pero di yun possible, pagkat ang mga tulad namin ay walang lamang tubig sa aming mga bulak at telang katawan.
Sa totoo lang, marami na ring nagtangkang makuha ako. Siguro nga ay cute din ako. Ahmm, di nga lang ako masyadong sigurado. Ngunit sa bawat pagtatangka na makuha ako, kasunod ay ang pagkabigo, sa kanila at sa aking parte. Pero dahil din sa mga pagkabigo na ito, natutunan kong maging matatag, natutunan kong maghintay na mayroong pag-asa. Sapagkat ang bawat isa sa amin, alam ko, ay darating at darating din ang oras na mapili.
Nung araw na ‘yon, wala namang kakaiba. Medyo konti pa nga ang mga taong sumusubok ng kanilang kakayahan sa makina ng aming hawla. Pero napaka-espesyal ng araw na iyon. Yon ang araw ng kanyang pagdating sa buhay ko.
Sa di na mabilang na pagkakataon, gumalaw ang walang buhay na bakal sa itaas, pagkatapos ay bumaba ito upang pulutin ang hinirang na laruan. Sa pag-akyat nito ay makikita ang isang pink na teddy bear na mahigpit na kumakapit sa makina. Napangiti ako, sabay bugtong-hininga, “Buti pa sya. Maging masaya ka sana sa labas.” Pagdating ng kamay na bakal sa taas, hindi inaasahan ang biglang pag-uyog nito. Nakabitaw ang teddy bear. Mababanaag sa kanyang mukha ang di pagkapaniwala sa nangyayari habang sya ay nahuhulog. Bumagsak sya sakto sa aking harapan. Isa sya sa pinakamagandang bear na nakita ko. Walang pintas na mga tahi at mapupungay na perpektong mga mata. Ang mga naturang mata ay buong araw na nagmasid sa taas, inaasahan ang pagbalik ng kaisa-isang paraan upang makalabas sa kulungang plastik. Ngunit sya ay nabigo. Sa pagsara ng gusali pagsapit ng gabi, ang tanging maririnig na ingay sa kulungang plastik sa dilim ay ang mga tuyong hikbi.
“Hi!” bungad na bati ko sa kanya kinabukasan.
“H…hi din,” mahiyain nyang sagot.
“First time mo?” pangiti kong tanong.
“Ha?”
“Okey lang yan. Ako nga makailang beses na rin na muntik-muntikan na. Hahaha! Wag kang mag-alala, darating din ang araw mo.”
Napangiti ko sya.
“Ako nga pala si Chi-chi.”
“Ako si Kayla.”
Dito nagsimula ang aming pagkakaibigan.
Lumipas ang mga araw at naging mas malapit kami sa isa’t isa. Nadiskubre kong isa syang masayahing laruan. Tinuruan ko sya kung pano pagalawin ang kanyang ilong. Napakahirap nyang turuan pero masaya. Palagi kaming nagkwekwentuhan at madalas ay napag-uusapan namin kung gaano kalawak at kaganda ang mundo at kung anu-ano ang mga balak gawin ng bawat isa sa kanyang paglabas. Lahat ng gusto naming gawin, pagkatapos ay magtatawanan kami sa aming mga naiisip.
“Ang gusto ko sana, paglabas ko, kasama kita. Tapos, gagawin natin ang lahat ng pinapangarap nating gawin sa labas na magkasama,” minsan isang araw nasabi nya. Napatitig ako sa kanya at napaisip, Ano nga naman ang silbi ng mga pangarap kung wala ka namang kasama upang ibahagi ito. Hindi ba mas masaya kung kasama mo, kahit san man kayo mapunta, ang minamahal at nagmamahal sayo? “Ipangako natin sa isa’t isa na magkasama pa rin tayo paglabas natin!” nakangiting sabi ko.
Akala ko, di na matatapos ang mga araw. Akala ko ay habambuhay na kaming magsasama dito sa loob ng aming maliit na mundo. Isang mundo na napapaligiran ng mga batang naghahabulan, maiingay na mga makina, at nagkakalansingang mga barya. Minsan nahiling ko sa Lumikha ng Lahat na sana tumigil na lang ang oras. Ngunit madalas din na sadyang masakit ang mga paraan ng tadhana.
Nangyari yon isang araw, sa gitna ng isa na naman sanang masayang kwentuhan naming dalawa.
“Yan Daddy! Sya yung gusto ko!” narinig kong tinig ng isang batang babae.
Di ko iyon masyadong pinansin, subalit ilang saglit pa ay naramdaman ko ang yakap ng mga brasong metal sa aking malambot na katawan. Napatingin ako saglit kay Kayla sa aking pagkagulat. Pilit ko syang inabot upang isama habang ako’y binubuhat paitaas ng makina, ngunit sobrang mabilis ang mga pangyayari.
“Chi-chi...” Malungkot at nanghihina nyang pagtawag, “Chi-chi!”
“Kayla!” sigaw ko. Sinubukan kong magpumiglas pero wala akong magawa sa mahigpit na pagkakayakap sa kin.
“Kayla!... Kayla!... Kayla!” Ilang ulit ko pang pagsigaw sa ngalan nya. Sigaw na di narinig ninuman. Sigaw na nilamon ng ingay ng mundong dati ay pinangarap.
Ang sabi nila, ang mga katulad namin ay imposibleng lumuha. Di kami katulad ng mga tao. Pero ano itong tubig na mula sa aking mga mata? na bumabasa sa aking braso? Ano itong paninikip ng dibdib na nararamdaman ko?
Sa mga lumipas na mga araw, di sya nawala sa isip ko. Nakikita ko pa rin sya at sa kanyang mga mata ang sakit ng isang iniwan habang ako ay papalayo. Sana ay mapatawad nya ako. Di ko natupad ang pangako namin sa isa’t isa.
Maganda sa labas. Sobra pa sa aming mga imahinasyon. Ngunit napakalungkot. Dahil wala sya.
Naging paborito akong laruan ni Nikka, ang batang nagmamay-ari sa akin ngayon. Palagi nya akong tinatabi sa kanyang pagtulog at ako lang ang stuffed toy nyang di pinapalapitan sa kanyang alagang tuta. Kinakausap nya rin ako minsan. Sumasagot din ako pero di naman yata nya naririnig. Minsan natanong nya sa 'kin, “Bat ka ba malungkot? Ahay…”
“Nikka! May pasalubong ako,” narinig kong tawag kay Nikka isang hapon. Hawak ako, patakbo syang pumunta sa sala. Iniupo nya ako sa sofa.
“Wow! Ang cute nya. Haha! Weeh! Thanks Daddy!”
Itinabi ni Nikka sa akin sa sofa ang pasalubong sa kanya.
“Ayan! Di ka na malulungkot. May kasama ka na ngayon!” natutuwang sabi ng bata sa akin.
Ang mga mapupungay na mga mata na huli kong nakita na puno ng kalungkutan ay puno ngayon ng saya. Siya ang pinakamagandang teddy bear na nakilala ko. Di ko malilimutan ang pinakamatamis na ngiti sa buong mundo na nagmula sa kanyang mga labing sinulid.
“Hi Chi-chi,” bati nya.
Hinding-hindi na kaming muli maghihiwalay.
Naniniwala ka ba sa destiny?
Ako…oo.
*chi-chi
Thursday, February 11, 2010
Agape
ang mabuhay para magmahal...
ang magmahal kahit hindi suklian...
ang magmahal kahit na nasasaktan...
ang magmahal na walang hinihintay na kapalit...
ang magmahal ng hindi nagmamahal sayo...
ang magmahal ng hindi karapatdapat na mahalin...
ang magmahal at kalimutan ang sarili...
ang magmahal at magsakripisyo...
ang magmahal at mamatay dahil sa pagmamahal...
ang post na ito ay ang sagot ko sa tanong ni Lord CM na
Agape love is unconditional love. It is always giving and impossible to take or be a taker. This form of love is totally selfless and does not change whether the love given is returned or not. This is the original and only true form of love.
This is the ultimate kind of love.
This is the love of God.
This love month of February, nobody is 'loveless'.
Remember, you are loved by Someone.
We are an unlovable lot, but He love us still.
Isn't it amazing!?
He loves me so much He died for me.
He loves you so much He died for you.
Monday, February 8, 2010
Oh Angelina
Galing kaming New Washington at binabaybay namin ang Jaime Cardinal Sin Avenue pauwi ng Kalibo ng biglang...
fsssshhhhtttt!!!
Parang wala lang...
pero naflatan kami ng gulong.
Eh tatlo kasi kami sa motor, at ang bibigat pa namin.
Ang kulit kasi eh...sabi nang under pressure yung gulong pero pinilit pa rin.
Habang naghahanap at nagtatanong-tanong sa mga natives sa lugar kung san ang pinakamalapit na 'vulkitan', nakita ko ang creature na to sa kabila ng kalsada. At dahil sa mahilig akong magpipicture-picture kaya heto sya ngayon sa monitor ng computer.
Pero hindi dito nagtatapos ang kwento. Dahil sa maawain ako sa mga living organisms at ayaw ko syang iwan na naka-kadena, hiniling ko sa aking fairy god-lola, na matagal nang wala sa mundong ito na palayain ang living thing. Mabait ang aking fairy god-lola at ako ang paborito nyang apo kaya agad nyang pinagbigyan ang aking hiling. Hindi nya lang pinalaya ang life form, ginawa nya pa itong stuff toy kahit na hindi ko ito hiniling.
Ei naku si god-lola talaga, hindi marunong sumunod sa instructions. Well, hindi ko naman sya masisi, medyo bingi kasi sya ng konti.
Bawal ang mga unggoy, pati na rin ang mga taong-unggoy sa bahay. Magagalit si Nang Bebz, ang landlady namin. Kaya kinunan ko ng separate na apartment si Angelina (after much consultation, eto ang pangalan na binigay sa monkey-monkey). Kumuha din ako ng yaya na mag-aalaga sa kanya. Medyo nai-spoiled na nga ang animal.
(may picture sana dito yung yaya ni Angelina, kaya lang ayaw magpakuha. arte-arte pa. ayaw nya di wag! hmph..)
O nga pala, bawal sa kanya ang saging. Sabi ng doctor meron syang contact allergy. May protein daw sa saging na ang tawag ay chitinase at nagre-react dito ang immune system ni Angelina at nagkakaron sya ng pimples at blackheads. tsk.
Favorite foods nya ngayon ang strawberries, choko-choko at adobong babuy.