Sunday, February 28, 2010

A Bear's Love Story



May nakakuha na kay Noynoy. Pilit kong hinuli ang kanyang mga mata upang sa gayo’y kahit papano ay maipabatid ko ang aking pamamaalam, ngunit di na nya ako napansin sa sobra nyang pagkagiliw na makalabas. Isa sya sa mga nagsasawa na sa aming kinalalagyan at gustong-gusto nang makita ang kalawakan ng mundo sa labas. Sana ay alagaan sya nang mabuti ng magmamay-ari sa kanya. Kunsabagay, di naman sya mahirap magustuhan. Si Noynoy ay isang cute na Doraemon.


Ako naman ay bear. Hindi, hindi bear ang pangalan ko. Teddy bear ako at ang pangalan ko ay si Chi-chi. Kahit ako man ay gusto ring makaalis sa lugar na ‘to. May ilan sa mga kasama ko ditong laruan na ayaw. Di ko sila maintindihan. Marahil ay natatakot silang tuklasin ang malawak na mundo sa labas. O di kaya’y naging kuntento na sila sa kanilang mga kalagayan.

Nakaramdam ako ng konting inggit habang pinagmamasdan kong hawak-hawak si Noynoy ng nakakuha sa kanya. Gusto kong sumigaw ng, “Ako rin! Kunin nyo ko!” Pero naglaho ang pangarap na yon nang marinig kong sinabi, “Wala na kong pera Kuya Pet”, at “Tara na, Jo!” Para akong maiiyak, pero di yun possible, pagkat ang mga tulad namin ay walang lamang tubig sa aming mga bulak at telang katawan.

Sa totoo lang, marami na ring nagtangkang makuha ako. Siguro nga ay cute din ako. Ahmm, di nga lang ako masyadong sigurado. Ngunit sa bawat pagtatangka na makuha ako, kasunod ay ang pagkabigo, sa kanila at sa aking parte. Pero dahil din sa mga pagkabigo na ito, natutunan kong maging matatag, natutunan kong maghintay na mayroong pag-asa. Sapagkat ang bawat isa sa amin, alam ko, ay darating at darating din ang oras na mapili.

Nung araw na ‘yon, wala namang kakaiba. Medyo konti pa nga ang mga taong sumusubok ng kanilang kakayahan sa makina ng aming hawla. Pero napaka-espesyal ng araw na iyon. Yon ang araw ng kanyang pagdating sa buhay ko.

Sa di na mabilang na pagkakataon, gumalaw ang walang buhay na bakal sa itaas, pagkatapos ay bumaba ito upang pulutin ang hinirang na laruan. Sa pag-akyat nito ay makikita ang isang pink na teddy bear na mahigpit na kumakapit sa makina. Napangiti ako, sabay bugtong-hininga, “Buti pa sya. Maging masaya ka sana sa labas.” Pagdating ng kamay na bakal sa taas, hindi inaasahan ang biglang pag-uyog nito. Nakabitaw ang teddy bear. Mababanaag sa kanyang mukha ang di pagkapaniwala sa nangyayari habang sya ay nahuhulog. Bumagsak sya sakto sa aking harapan. Isa sya sa pinakamagandang bear na nakita ko. Walang pintas na mga tahi at mapupungay na perpektong mga mata. Ang mga naturang mata ay buong araw na nagmasid sa taas, inaasahan ang pagbalik ng kaisa-isang paraan upang makalabas sa kulungang plastik. Ngunit sya ay nabigo. Sa pagsara ng gusali pagsapit ng gabi, ang tanging maririnig na ingay sa kulungang plastik sa dilim ay ang mga tuyong hikbi.


“Hi!” bungad na bati ko sa kanya kinabukasan.


“H…hi din,” mahiyain nyang sagot.

“First time mo?” pangiti kong tanong.

“Ha?”

“Okey lang yan. Ako nga makailang beses na rin na muntik-muntikan na. Hahaha! Wag kang mag-alala, darating din ang araw mo.”

Napangiti ko sya.

“Ako nga pala si Chi-chi.”

“Ako si Kayla.”

Dito nagsimula ang aming pagkakaibigan.

Lumipas ang mga araw at naging mas malapit kami sa isa’t isa. Nadiskubre kong isa syang masayahing laruan. Tinuruan ko sya kung pano pagalawin ang kanyang ilong. Napakahirap nyang turuan pero masaya. Palagi kaming nagkwekwentuhan at madalas ay napag-uusapan namin kung gaano kalawak at kaganda ang mundo at kung anu-ano ang mga balak gawin ng bawat isa sa kanyang paglabas. Lahat ng gusto naming gawin, pagkatapos ay magtatawanan kami sa aming mga naiisip.

“Ang gusto ko sana, paglabas ko, kasama kita. Tapos, gagawin natin ang lahat ng pinapangarap nating gawin sa labas na magkasama,” minsan isang araw nasabi nya. Napatitig ako sa kanya at napaisip, Ano nga naman ang silbi ng mga pangarap kung wala ka namang kasama upang ibahagi ito. Hindi ba mas masaya kung kasama mo, kahit san man kayo mapunta, ang minamahal at nagmamahal sayo? “Ipangako natin sa isa’t isa na magkasama pa rin tayo paglabas natin!” nakangiting sabi ko.

Akala ko, di na matatapos ang mga araw. Akala ko ay habambuhay na kaming magsasama dito sa loob ng aming maliit na mundo. Isang mundo na napapaligiran ng mga batang naghahabulan, maiingay na mga makina, at nagkakalansingang mga barya. Minsan nahiling ko sa Lumikha ng Lahat na sana tumigil na lang ang oras. Ngunit madalas din na sadyang masakit ang mga paraan ng tadhana.

Nangyari yon isang araw, sa gitna ng isa na naman sanang masayang kwentuhan naming dalawa.

“Yan Daddy! Sya yung gusto ko!” narinig kong tinig ng isang batang babae.

Di ko iyon masyadong pinansin, subalit ilang saglit pa ay naramdaman ko ang yakap ng mga brasong metal sa aking malambot na katawan. Napatingin ako saglit kay Kayla sa aking pagkagulat. Pilit ko syang inabot upang isama habang ako’y binubuhat paitaas ng makina, ngunit sobrang mabilis ang mga pangyayari.

“Chi-chi...” Malungkot at nanghihina nyang pagtawag, “Chi-chi!”

“Kayla!” sigaw ko. Sinubukan kong magpumiglas pero wala akong magawa sa mahigpit na pagkakayakap sa kin.

“Kayla!... Kayla!... Kayla!” Ilang ulit ko pang pagsigaw sa ngalan nya. Sigaw na di narinig ninuman. Sigaw na nilamon ng ingay ng mundong dati ay pinangarap.

Ang sabi nila, ang mga katulad namin ay imposibleng lumuha. Di kami katulad ng mga tao. Pero ano itong tubig na mula sa aking mga mata? na bumabasa sa aking braso? Ano itong paninikip ng dibdib na nararamdaman ko?

Sa mga lumipas na mga araw, di sya nawala sa isip ko. Nakikita ko pa rin sya at sa kanyang mga mata ang sakit ng isang iniwan habang ako ay papalayo. Sana ay mapatawad nya ako. Di ko natupad ang pangako namin sa isa’t isa.

Maganda sa labas. Sobra pa sa aming mga imahinasyon. Ngunit napakalungkot. Dahil wala sya.

Naging paborito akong laruan ni Nikka, ang batang nagmamay-ari sa akin ngayon. Palagi nya akong tinatabi sa kanyang pagtulog at ako lang ang stuffed toy nyang di pinapalapitan sa kanyang alagang tuta. Kinakausap nya rin ako minsan. Sumasagot din ako pero di naman yata nya naririnig. Minsan natanong nya sa 'kin, “Bat ka ba malungkot? Ahay…”


“Nikka! May pasalubong ako,” narinig kong tawag kay Nikka isang hapon. Hawak ako, patakbo syang pumunta sa sala. Iniupo nya ako sa sofa.


“Wow! Ang cute nya. Haha! Weeh! Thanks Daddy!”

Itinabi ni Nikka sa akin sa sofa ang pasalubong sa kanya.

“Ayan! Di ka na malulungkot. May kasama ka na ngayon!” natutuwang sabi ng bata sa akin.

Ang mga mapupungay na mga mata na huli kong nakita na puno ng kalungkutan ay puno ngayon ng saya. Siya ang pinakamagandang teddy bear na nakilala ko. Di ko malilimutan ang pinakamatamis na ngiti sa buong mundo na nagmula sa kanyang mga labing sinulid.

“Hi Chi-chi,” bati nya.

Hinding-hindi na kaming muli maghihiwalay.




Naniniwala ka ba sa destiny?


Ako…oo.





*chi-chi


10 comments:

bonistation said...

hays.. ang ganda naman ng sinulat mo, sobrang naramdaman ko ung kwento.. naimagine ko tuloy ung mga stuff toy dun sa loob. sa kwento mo buhay na buhay sila..

pero syempre, di natin maitatago ang totoong kwento ng buhay na nilalarawan ni nikay at chi chi...

ang ganda talaga nito..
galing nyo po....

**
ako din naniniwala sa destiny.^^

Random Student said...

insightful. engaging. mahaba s'ya at 'di ako palabasa pero napabasa ako haha! favorite part ko 'yung inakala nyang di sya maaaring lumuha tulad ng mga tao.

mr.nightcrawler said...

teka lang... sigurado ka bang blog mo to? bakit ang daming posts? parang isang buwan lang ako nawala, dun ka naman sinipag magsulat. haha. and apparently, may tinatago ka palang pagka-keso1 haha. so cheesy... pero natuwa naman ako. wahaha. at nabisita ko na rin pala ang photo-blog mo. i am no expert pero maganda ang mga kuha ha? naks. dahil jan, karapat-dapat kang iclap-clap! wahaha.

karen anne said...

sorry to say but i don't believe in destiny and talking dolls either..

ooppss joke lang, haha, i think this is a nice love story, sana ganyan na lang lahat ng love story, always with happy endings=)

bad_mj97 said...

Ang Sweet^_^ngayon lang ako naligaw sa blog mo!!!asahan mong madadalasan ko pang gugulo ko dito!!!

Anonymous said...

awww. Parang may pinaghugutan ah. ^^

mr.nightcrawler said...

ang tagal naman ng hibernation mo parekoy! magsulat ka na! demanding? haha

BNP said...

3 days to go till the next cycle of Hall of Fame! hurry, invite your friends now to vote for your blog and get a chance to be one of the "sikat" at BNP's Hall of Fame! :)

Bridal Cars Manila said...

Nice story of the bear :)

Aelala ♥ said...

ang ganda ng love story.
U did a very good job.. Inspiring sya at the same time, u will never regret na binasa mo yung story :)